Kakalampagin ng grupong Nagkaisa Labor Coalition ang Chinese Embassy sa bisperas ng Araw ng Kalayaan sa Makati City at tutungo rin sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang magsagawa ng motorcade upang igiit ang kanilang mga kahilingan tungkol sa mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa at sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Atty. Sonny Matula, mula sa Q.C., ay magsasagawa sila ng motorcade patungong Chinese Embassy sa Makati City kasama ang mga miyembro ng Kalipunan ng Kilusang Masa upang ipangalandakan ang pag-alyansa umano ng dalawang dynasties ang Xi Dynasty na nagrepresenta sa kapangyarihan ng China, at si Presidente Rodrigo Duterte na naghahangad pang manungkulan at plano pang tumakbo sa 2022 elections.
Paliwanag ni Atty.Matula, malamang umano pabor ang China na magpapatuloy pang manungkulan ang Duterte administration upang mapanatili umano na nasa kanilang pangangalaga ang West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Atty. Matula na bahagi ng alyansa ng dalawang bansa ay ang ipatupad ang Anti-Terror Law, red-tagging, militarisasyon sa pagtugon sa pandemya.
Giit pa ni Atty. Matula wala umanong puntos na pag-uusapan ang kalayaan kung ang mga manggagawa naman ay hindi kayang ipagtanggol ng gobyerno.
Dismayado rin ang Nagkaisa Labor Coalition sa mga insidente ng mga pag-aresto sa mga union leaders, pagkakulong at pagpatay sa kanilang hanay na hindi umano nabibigyan ng hustisya.