
Aabot sa 300 na mga mangingisda ang nagkilos protesta sa harap ng Korte Suprema para ipanawagan na dinggin ang kanilang hinaing hinggil sa isyu ng reklamasyon na nakasisira sa kanilang kabuhayan.
Matatandaan na inilabas ng Korte Suprema noong Agosto, 19, 2024 ang resolusyong pinagtitibay ang desisyon ng Malabon Regional Trial Court (RTC) na payagan ang malalaking komersyal na pangisda sa loob ng 15 kilometrong municipal na katubigan dapat ay nakalaan sa maliliit na mga mangingisda.
Halos isang taon mula nang ilabas ang resolusyon at tatlong buwan mula nang isampa ang pinakahuling Motion for Intervention, tahimik pa rin ang Korte Suprema sa kahilingan ng mga maliliit na mangingisda.
Nais ng mga mangingisdang nagkilos protesta na desisyunan na ng Korte Suprema ang mga mosyong inihain upang makasama ang kanilang sektor upang maging bahagi ng mga stakeholder sa usapin.
Giit ng mga mangingisda na lalong lumiliit ang espasyo para sa kanilang sektor lalo na’t nagpapatuloy rin ang mga proyektong reklamasyon sa maraming baybayin ng bansa.
Nagmula pa ang mga mangingisda sa Quezon, Cavite, Bataan, Zambales, Batangas, Bulacan, Navotas, Las Pinas, at Paranaque kung saan nagmartsa sila mula Plaza Salamanca haggang Korte Suprema.








