Umapela at sumulat ang ilang mga martial law survivors at dating political prisoners sa Korte Suprema na ipatupad na ang naging desisyon ng Sandiganbayan laban kay dating First Lady Imelda Marcos.
Nagtungo mismo ang grupo sa tanggapan ng Supreme Court para ihatid ang kanilang sulat kay Chief Justice Alexander G. Gesmundo.
Nakasaad sa nasabing sulat ng grupo na ipatupad na ang nasabing desisyon ng Sandiganbayan kung saan convicted ang dating first lady at nasentensyahan ng 42 na taon sa kulungan.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na nagtungo ang mga nasabing indibidwal para iapela ang naging desisyon kay Ginang Marcos.
Matatandaan na nag-ugat ang kasong graft ni Ginang Marcos ng buuin nito ang private foundations sa Switzerland habang nagsisilbi noon na governor ng Metro Manila.
Siya rin ang nakaupo bilang Minister of Human Settlements at miyembro ng Interim Batasang Pambansa.
Bukod dito, nais din ng grupo na manindigan ang Kataas-taasang Hukuman sa kasong tax evasion ng mga Marcos.