Ilang mga medical frontliner ang nagrereklamo hinggil sa naging sistema ng pagbabakuna sa Sta. Ana Hospital gamit ang Pfizer vaccines.
Nabatid na ilang mga medical frontliner ang maagang pumila pero bigo silang maisama sa listahan kahit pa nakapagpa-rehistro na sila sa www.manilacovid19vaccine.com.
Ang iba sa kanila ay nagti-tiyaga pa rin pumila at nagbabasakaling maisama sa listahan ng mababakunahan gamit ang Pfizer.
Reklamo ng ilan sa kanila, hindi sila naabisuhan na tanging mga medical frontliners lamang mula sa district hospitals ang uunahin bigyan ng nasabing bakuna.
Wala rin daw humaharap na sinuman opisyal o tauhan ng hospital para ipaliwanag sana sa kanila ang sitwasyon.
Pero ayon kay Dr. Grace Padilla, Director ng Sta. Ana Hospital, ang ibang medical frontliners na hindi mababakunahan ngayong araw ay bibigyan ng number para sa kanilang pagbabalik bukas.
Napag-alaman na nasa 210 doses lamang ang ituturok na bakuna ng Pfizer ngayong araw sa Sta. Ana Hospital at sa kabuuan, nasa 1,170 vials ang nakuha nila mula sa pamahalaan.