Ilang militanteng grupo, sinimulan na ang kanilang programa kaugnay sa SONA ni Pangulong Marcos Jr.

Courtesy: Bryan Maliwat

Pasado alas-6:00 ng umaga pa lamang ay nagtipon-tipon na sa may bahagi ng Philcoa dito sa Commonwealth Avenue ang ilang militanteng grupo para magkasa ng programa.

Ito’y may kaugnayan sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang mga indibidwal na nagkakasa ng programa ay mula sa grupo ng Bayan, Karapatan, Bagong Alyansang Makabayan at Gabriela Youth Southern Tagalog kung saan bahagi ito ng kanilang aktibidad na tinatawag na “Lakbayan ng Mamamayan ng Timog Katagalugan”.


Dito ay inilabas nila ang kanilang mga hinaing at kasalukuyang sitwasyon mula sa iba’t ibang sektor.

Isa sa mga pangunahing layunin nila ay ang matanggal sa puwesto si Pangulong Marcos at Vice President Sara Duterte.

Nais rin nila na tutukan ng mga nakaupo sa gobyerno ang taas-sahod ng mga manggagawa at pagbaba ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang produktong petrolyo.

Hangad din nila na buwagin na ng gobyerno ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil pawang mga kasinungalingan lamang ang mga inilalabas nitong ulat at wala ring basehan.

Mula National Housing Authority (NHA) ay nag-martsa ang mga grupo patungong Philcoa at saka sasabay sa iba pang grupo na mula UP Diliman papunta ng Tandang Sora.

Facebook Comments