Naudlot ang sana’y pagpapagupit ng ilan nating mga kababayan.
Ito ay makaraang pagbawalan ang mga ito ng ilang kawani ng Local Government Unit (LGU) sapagkat hindi sila bakunado.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya sa ginawang pag-iikot ng mga LGU, ininspeksyon nila ang mga restaurant gayundin ang mga barbershop upang mabatid kung tumatalima ang mga ito sa health protocols gayundin sa mga panuntunan sa implementasyon ng alert level system sa National Capital Region (NCR).
Aniya, ang iba ay walang naipakitang vaccination card kaya’t pinauwi na lamang sila ng mga otoridad.
Paalala ni Usec. Malaya sa ilalim ng patakaran para sa Alert Level 4, pwede ng hanggang 10% ang kapasidad ng mga barberya kapag indoor subalit kailangan ay fully vaccinated kapwa ang customers at mga empleyado nito.
Pwede naman hanggang 30% kapag outdoor bakunado man o hindi ang customers.