Patuloy na nananawagan ng tulong ang mga residente ng Brgy. 310 sa Maynila na naapektuhan ng nangyaring sunog.
Nasa higit 1,200 pamilya ang naapektuhan ng nasabing sunog kung saan pansamantala silang nananatili sa Covered Court ng barangay malapit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP-Manila).
Nagtayo ng mga tent ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office para may matuluyan ang mga nabiktima ng sunog.
Bukod dito, inaalalayan na rin ng Manila Department of Social Welfare Development ang bawat pamilya na nakatira sa nasunog na 400 na bahay kung saan nabigyan sila ng pagkain, inumin at iba pa.
Pero hiling ng ilang mga residente na mapagkalooban sana sila ng ilang mga kagamitan upang muling maipatayo ang kanilang bahay.
Maging ang pamilya ng dalawang nasawi at apat na sugatan ay nananawagan din ng pinansiyal na tulong lalo na’t pare-parehas silang walang naisalba.
Matatandaan na inabot ng siyam na oras ang sunog sa nasabing barangay partikular sa residential area sa Oroquieta St., kanto ng Doroteo Jose St., sa Sta. Cruz, Maynila.