Umaabot sa 546 persons deprived of liberty (PDLs) at 68 tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Navotas ang sumailalim sa random drug test.
Ito’y base sa naging kautusan ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco.
Ayon kay Tiangco, ipinag-utos niya ito matapos makatanggap ng report mula sa ilang concerend citizen na talamak ang bentahan ng iligal na droga sa nasabing piitan.
Sinabi ni Tiangco na pitong PDLs ang nagpositibo sa marijuana kung saan apat ang matagal ng nasa BJMP Navotas habang may tatlo ang bagong pasok.
Dagdag ng alkalde, ililipat ang mga nagpositibo sa ibang pasilidad at mahaharap sila sa ibang kaso.
Lahat naman ng BJMP personnel na sumalang sa drug test ay negatibo ang naging resulta.
Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na ni Mayor Tiangco kung paano nakapasok ang iligal na droga sa BJMP-Navotas at kaniyang pinasisiguro na mananagot ang mga kasabwat dito.