Ilang mga residente sa Brgy. 184 sa Tondo, Maynila, umalma dahil sa ipatutupad na demolisyon

Umalma ang ilang mga residente sa Brgy. 184, Zone 15 sa Maliklik Street, Tondo, Maynila dahil sa planong demolisyon sa kanilang mga bahay.

Umaga pa lamang ay nagtungo ang sheriff kasama ang ilang tauhan para ipatupad ang demolisyon pero hinarang sila ng ilang mga residente.

Nabatid na isang negosyante ang nagma-may-ari ng lupang kinatitirikan ng mga bahay ng nasa 500 na pamilya kung saan tatlong taon na ang nakakalipas ng inilabas ang court order para paalisin ang mga nakatira sa nasabing lugar.


Pero giit ng mga residente, bigyan muna sana sila ng panahon lalo na’t nawalan ng trabaho ang ilan sa kanila dulot ng COVID-19 pandemic.

Bahagyang nagka-tensyon sa lugar kaya’t nagtungo ang ilang mga tauhan ng barangay at mga tauhan ng Manila Police District (MPD) para panatilihin ang kapayapaan.

Bukod dito, sinikap ng mga otoridad na pairalin ang pagpapatupad ng health protocols lalo na’t marami rin ang nakikiusyoso.

Nakiusap naman ang Chairman ng Barangay na si Delia Rodriguez sa demolition team na ipagpaliban muna ang plano gayundin sa mga residente na maging mahinahon sa kasalukuyang sitwasyon.

Sa huli, pinagbigyan ng sheriff ang kahilingan ng mga residente at chairman pero muli nilang ipinaalala na kailangan pa rin sundin ang batas.

Facebook Comments