Muling nagkasa ng clearing operation ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit sa Sta. Cruz, Maynila.
Partikular na ikinasa ang operasyon sa may bahagi ng Lacson Avenue patungong Yuseco Street at Oroquieta Street malapit sa Rizal Avenue.
Ilan sa mga hinatak ng MMDA ay mga pampasaherong tricycle na aabot sa 12 ang bilang, apat na motorsiklo, dalawang pribadong sasakyan at isang delivery truck.
Maging ang mga motorcycle rider na hindi tama ang mga kasuotan ay tinikitan din ng MMDA habang ang mga pribadong tricycle na walang plaka ay sinita at hinatak na rin.
Bukod dito, ang mga sagabal sa daraanan ng tao tulad ng mga kariton at kalakal ay pinagtatanggal din ng MMDA.
Lahat ng mga nahatak na sasakyan ay dadalhin sa impounding area ng MMDA sa lungsod ng Marikina.
Ito naman na ang ikatlong pagkakataon na nagsagawa ng clearing operation ang MMDA ngayong buwan ng Hunyo sa lungsod ng Maynila kung saan mismong ang mga residente, motorista at opisyal ng barangay ang nagpaabot ng mga impormasyon hinggil sa mga iligal na nakaparadang sasakyan sa mga pangunahing kalsada.