Kinasuhan ng National Irrigation Administration (NIA) ang dalawang abogado ng kanilang legal service department dahil sa pagpapabaya ng mga ito sa kanilang trabaho.
Ayon kay NIA Administrator Benny Antiporda, kasong kriminal at administratibo ang kanilang inihain kina Atty. Lloyd Allain Cudal at Atty. Mary Annabelle Cruz-Domingo.
Sinabi ni Antiporda na dahil sa kapabayaan ng dalawang abugado, nasa higit P200 milyon ang babayaran ng NIA kung saan pera ng taumbayan ang gagamitin dito.
Iginiit ni Antiporda na natalo ang NIA sa Green Asia Construction Corporation dahil sa technicality at hindi sa merito ng kaso.
Dahil dito, nahihirapan na ang NIA na iapela pa ang nasabing kaso kaya’t kinakailangan nila na bayaran ang nasabing kompanya na naghain ng reklamo dahil sa kinansela ang kontrata sa rehabilitasyon ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems.
Dagdag pa ni Antiporda, tila mayroong motibo ang dalawang abogado kaya hinayaan na lang nila na matalo ang NIA sa kaso.
Kaugnay nito, ipinapaubaya na lang nila sa Ombudsman ang desisyon kung saan inihayag pa ni Antiporda na may ilang tauhan pa ng NIA ang kanilang iniimbestigahan dahil sa ilang mga katiwalian.