Pansamantalang nagsara ang ilang tindahan at retailers ng bigas sa Trabajo Market sa lungsod ng Maynila.
Ito’y kasunod ng pagpapatupad ng pagtatakda ng presyo ng bigas sa ₱41.00 hanggang ₱45.00 kada kilo.
Nabatid na nagdesisyon muna ang mga tindahan ng bigas na magsara dahil malulugi sila kung ibaba ang presyo ng kanilang mga bigas na halos kaka-angkat pa lamang.
Bukod dito, umaalma ang ilang retailer ng bigas dahil nasa ₱20.00 kada isang sako lang ang kanilang kikitain matapos nilang sundin ang price ceiling na itinakda ng pamahalaan.
Ilan rin sa kanila ay limitado na lamang ang ibinebentang ₱41.00 na kilo ng bigas upang hindi maubusan ng suplay.
Ang iba naman sa kanila ay hindi pabor sa price ceiling kung saan dapat daw ay pinag-aralan muna ito bago ipinatupad.
Hiling naman nila sa gobyerno na sana ay maipatupad din nang maayos at makatanggap ang lahat ng sinasabing ayuda para sa katulad nilang maliliit na retailer ng bigas.