Ilang mga transport group na hindi sasama sa tigil-pasada sa SONA ni PBBM, pinasalamatan

Nagpapasalamat si House Committee on Transportation Vice Chairperson at DUMPER-PTDA Partylist Rep. Claudine Baustista-Lim sa lahat ng mga grupo na nagdesisyon na huwag makibahagi sa tigil-pasada ng grupong MANIBELA sa susunod na linggo.

Sa ginawang pagbisita ni Bautista sa Brgy. 902 sa Punta, Sta. Ana, kaugnay sa pamamahagi ng payout sa pampasaherong jeep, pinuri niya ang ilang mga transport group dahil mas pinili nila na pagsilbihan ang bayan kaysa sa pansariling interes.

Aniya, mabuting ipakita ng pampublikong transportasyon na sumusunod sila sa tawag ng pagkakaisa lalo na sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.


Sinabi ni Bautista na kailangan ding magtulong-tulong ang lahat ng stakeholders, sa pamamagitan ng pagtalima sa tamang proseso upang tunay na matugunan ang mga problema sa transportation sector.

Tiniyak pa ng kongresista na hindi pababayaan ng pamahalaan at ng Kongreso ang hanay ng transportasyon.

Sa katunayan, mga panukalang batas para sa naturang sektor, kabilang ang House Bill 1985 o ideklara ang May 8 na bawat taon bilang “Public Transportation Workers Day.”

Suportado ito ng mga lider ng LTOP, Pasang Masda, PISTON, Stop & Go Trans Coalition, ALTODAP, FEJODAP, ACTO, UV Express, at ATOMM, sa pamamagitan ng paglagda sa manifesto.

Mayroon ding mga “active consultation” sa pagitan ng mga mambabatas, mga ahensya at transport leaders para makahanap ng mga paraan para maresolba ang mga isyung kinakaharap hindi lamang ng mga jeepney driver at operators, kundi mga taxi, bus at UV sector.

Kabilang dito ang Non-Contact Apprehension Policy, PUV Modernization Program, proteksyon para drivers at operators, at kaligtasan ng mga pasahero; gayundin ang hindi pa nababayaran sa “Libreng Sakay.”

Facebook Comments