Kasabay ng paggunita ng National Heroes Day bukas, Lunes (Agosto 26) magkakasa ng kilos protesta ang kilusang Mayo uno kasama ang iba pang militanteng grupo.
Ito’y upang muling ipanawagan sa pamahalaan na tapusin na ang endo at mapang-abusong kontraktwalisasyon sa kabila ng pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa security of tenure bill.
Iginiit kasi ng KMU na walang batayan ang sinasabing pananakot ng mga kapitalista na magdudulot ito diumano ng kawalan ng trabaho.
Bukod dito, kinokondena din nila ang ginagawang red-tagging ng militar sa iba pang militanteng grupo na gumagawa ng paraan para matuldukan na ang kontraktwalisasyon sa bansa.
Alas-9:00 ng umaga magkikita ang KMU at grupong bayan sa Blumentritt sa España kung saan dito din sila magsasagawa ng programa habang sasabay din sila sa martsa ng “united workers” na binubuo ng mga unyon, pederasyon at samahang manggagawa mula Vicente Cruz patungong Mendiola.
Umaasa naman ang ilang ahensiya ng lokal na pamahalaan kasama na ang pulisya na magiging payapa ang gagawing kilos protesta ng mga militanteng grupo pero nananawagan naman ang mga residente ng maynila na huwag sana nilang babuyin ang pinaghirapang ayusin at linisin ni Mayor Isko Moreno.
Samantala, tatlong kumpaniya ng langis ang nag-anunsyo na ng bawas presyo ng langis na epektibo sa Martes (Agosot 27), alas-6:00 ng umaga.
Sampung sentimo ang ibabawas sa halaga ng diesel at gasolina ng Phoenix Petroleum Philippines, PTT Philippines at Petro Gazz.
Sinasabing ang bawas presyo ay bunsod na din ng paggalawa ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market.