Naghahanda na ang ilang militanteng grupo na nanatili sa Liwasang Bonifacio para sa gagawing Black Friday Protest sa may PICC o Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Ito’y upang muling ipanawagan ang mga kapalpakan sa nangyaring botohan kung saan iginigiit ng grupo na nagkaroon ng dayaan.
Matatandaan na ilang araw nananatili sa Liwasang Bonifacio ang mga militanteng grupo upang ihayag ang mga kapalpakan ng Commission on Elections (COMELEC) at ang mga aberyang idinulot ng mga ito sa mga botante.
Mamayang alas-9:00 ng umaga ay magkikita-kita ang mga militanteng grupo sa Harbour Square sa Malate, Manila bago magtungo sa PICC kung saan ginaganap ang canvassing ng Comelec National Board of Canvassers.
Muling iginigiit ng grupo na hindi sila papayag na maupo ang kasalukuyang nangunguna sa pagka-presidente at bise-presidente dahil posibleng nanguna lamang umano ang mga ito dahil sa dayaan.