Ilang miyembro ng pulis at bumbero, sugatan makaraan ang tensyon sa East Bank Road sa Pasig City

Manila, Philippines – Sugatan ang ilang miyembro ng Eastern Police District (EPD) at mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) makaraang pagbabatuhin ng malalaking tipak ng bato at bote ng mga nagbarikadang residente ng East Bank Road, Floodway, Pasig City makaraang sumiklab ang gulo kanina.

Ayon kay Pasig Police Chief Police Sr. Supt. Orlando Yebra, sa ngayon, binibilang pa nila kung ilan lahat ng sugatan sa kanilang hanay at mula sa BFP na kasalukuyang ginagamot na sa ospital.

Bukol, kalmot, at sugat aniya ang tinamo ng kanyang mga tauhan na sumalag sa mga nagngangalit na mga residente ng East Bank Rd.


Samantala, 29 mga residente ang dinampot at dinala sa Pasig Police Station.

Ang mga ito ang pasimuno sa kaguluhan at nakatakdang ipagharap ng illegal assembly, physical injury, direct assault damage to properties at iba.

Binubuo ito ng mga lalaki, babae, nakatatanda at ilang menor de edad.

Kaugnay nito, nilinaw ni Yebra na wala naman talagang demolisyong magaganap dahil pag-uusapan lamang aniya ang resettlement sa mga apektadong residente.

Sa ngayon, humupa na ang tensyon at kung kanina, armado ang mga pulis ng batuta at shield, ngayon armado ang mga ito ng walis tingting at pandakot para linisin ang mga bato, bubog at iba pang kalat na iniwan ng mga residente sa kahabaan ng East Bank Road.

Sarado pa rin sa daloy ng trapiko ang naturang lugar at asahan na rin ang pagbabagal ng mga sasakyan lalo na sa parteng Manggahan Pasig.

Facebook Comments