Ilang mosyon kaugnay ng Maguindanao massacre, dininig ng QCRTC

Isinalang na sa pagdinig ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang ilang inihaing mosyon na may kaugnayan sa desisyon sa Maguindanao massacre.

Kabilang sa mga mosyon ay ang kahilingan ni Zaldy Ampatuan na mailipat sa infirmary ng New Bilibid Prisons (NBP) at mabisita siya ng kanyang therapist ng tatlong beses kada Linggo.

Dininig din ang Motion for Reconsideration sa desisyon na inihain naman ni Anwar Ampatuan Sr. at kanyang dalawang anak.


Gayundin ang mosyon ng pamilya ng biktimang si Faridah Sabdullah na humihiling na maisama ang kanilang pangalan sa gagawaran ng civil damages.

Binigyan naman ng korte ng tatlong araw ang prosekusyon para sa mosyon ni Zaldy Ampatuan.

Mayroon ring tatlong araw ang prosekusyon para magkomento sa request ni PCol. Bahnain Kamaong na mapalaya na sangayon sa acquittal desisyon ng hukom.

Una naman nang umapela si Maguindanao Representative Esmael “Toto” Mangudadatu sa korte na tiyakin na hindi mabibigyan ng special treatment si Zaldy.

Ayon kay Mangudadatu, hindi siya tutol kung kailangan ng medical attention ni Zaldy ngunit tiyakin lamang na mananatili ito sa NBP Infirmary.

Inaasahan na rin aniya nila ang mga mosyon at iba pang apela ng kampo ng mga Ampatuan upang mapagaan ang sintensya sa kanila ngunit nananalig ang mambabatas na hindi ito mapagbibigyan.

Facebook Comments