Ilang Muslim representatives, dismayado sa hindi pagbanggit ni Pangulong Duterte sa Marawi rehabilitation sa nagdaang SONA

Malaki ang pagkadismaya ng ilang Mindanaoan solon sa hindi pagbanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa rehabilitasyon sa Marawi City.

Ayon kay Deputy Speaker Mujiv Hataman, kung binigyan ng ultimatum ang telecommunication companies na ayusin ang kanilang serbisyo ay sana man lamang ay ganito rin ang ginawa sa Marawi rehabilitation.

Aniya, sana ay nabanggit man lamang ng Pangulo ang hakbang para sa pagbangon ng Marawi at ang sitwasyon ng mga Maranao na tatlong taon nang naghihintay na makauwi sa kanilang mga lugar.


Sinabi naman ni Anak Mindanao Partylist Rep. Amihilda Sangcopan na tulad sa ibang mga lugar sa bansa ay apektado rin ng pandemic ang mga taga-Marawi City.

Ngayon aniya na sinasabi ng gobyerno na manatili sa bahay, mismong mga Maranao ay hindi pa rin makauwi sa kanilang mga tahanan na winasak ng giyera.

Hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin sa temporary shelters at evacuation centers ang mga residente.

Dagdag pa ng mga kongresista na unahin din muna ang Marawi Compensation Bill na nakabinbin pa rin sa komite ng Kamara sa halip na atupagin agad ang death penalty.

Facebook Comments