DALAWANG magkasunod na pagbawi o pag-atras ng pondo sa kompanya na magpapatakbo
sa third telco player sa bansa ang naganap sa loob lamang ng dalawang linggo.
Kamakalawa ay napag-alaman
na ang buong 30 porsiyento na sosyo ng Singapore management fund sa Dito CME Holdings Corp. ng negosyanteng si Dennis Uy ay ibinenta na.
“Singapore fund Accion divests from Uy’s Dito stock… Accion had zero shares in Dito CME Holdings based on its ownership report on
July 14. 2020,” ayon sa isang
news website.
Noong Agosto 2018 ay binili ng kompanyang Accion ang 842 million share of stock mula sa kompanya ni Uy sa halagang
P1.45 per share, o may kabuuang halaga na P1.22 bilyon.
Ang sosyohan sa kompanya ni Uy at bilihan ng shares of stock nito ay umarangkada noong 2018 nang mapabalitang makukuha nito ang
titulong ‘third telco player’ na umano’y babasag sa duopoly ng PLDT at Globe Telecom.
Nagkatotoo ang nasabing balita nang ang dating Mislatel consortium na pinamunuan ni Uy, na ngayon ay Dito Telecommunity, ang nanalong ‘provisional winner’ sa bidding noong Nobyembre 7, 2018 para sa third telco player sa bansa.
Noong huling araw naman ng Hunyo 2020 ay ikinalas din ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio, Jr. ang kanyang sosyo sa Dito Telecommunity na umabot sa 1.2 million shares, at nagkakahalaga ng PP4.4 million.
Si Rio ay may nalalabi pang sosyo sa kompanya na pag-aari ng taga-Davao na negosyanteng si Uy na umaabot pa sa 2.3 million shares.
Parehong walang dahilang ibinigay sa publiko si Rio at ang mga negosyanteng nasa likod ng Singapore fund na Accion kung bakit nila inalis ang kanilang sosyo sa Dito CME Holdings ni Uy.
Pero may hindi kumpirmadong mga ulat na naapektuhan umano ang ilang investors ng Dito Telecommunity sa mga balitang mababalam pa lalo ang tinawag na commercial rollout ng third telco dahil sa mga balakid sa construction ng digital infrastructure dahil sa umiiral na
coronavirus pandemic.