Ilang negosyo sa Maynila, nais nang buksan ni Mayor Isko Moreno sakaling matapos na ang Enhanced Community Quarantine

Aminado si Manila Mayor Isko Moreno na nasasaid na ang pondo ng lokal na pamahalaan dahil sa banta ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Yorme, ang malaking bahagi ng pondo na nakalaan sana sa mga proyekto sa lungsod ng Maynila ay ginamit na panggastos upang makapagbigay ng ayuda sa bawat pamilya na lubos na naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Sinabi pa ng alkalde na sakaling madagdagan pang muli ang araw ng ipinapatupad na ECQ ay hindi na umano ito kakayanin pa ng lokal na pamahalaan.


Dahil dito, pabor si Mayor Isko na buksan na muli ang ilang negosyo sa lungsod ng Maynila sakaling matapos na ang ECQ sa Mayo 15.

Ito’y para makakuha ang lokal na pamahalaan ng karagdagang pondo para matuloy ang mga proyekto kung saan may ilang patakaran na dapat sundin upang masigurong hindi na lalaganap pa ang sakit.

Iginiit pa ni Yorme na ayaw niyang mangutang dahil siguradong hindi makakaahon ang lungsod ng Maynila kung gagawin niya ang ganitong uri ng hakbang.

Aniya, nagsisilbing buhay ng lokal na pamahalaan ang mga negosyo sa Maynila kaya’t ang kinikita mula dito ay ginagamit upang maresolbahan o makapaglaan ng tulong sa mga residente na apektado ng COVID-19 krisis sa lungsod.

Facebook Comments