Inihayag ni Malabon Mayor Lenlen Oreta ang muling pagsasara sa ilang operasyon ng Ospital Ng Malabon (OSMAL) makaraang manganak dito ang isang pasyente na natuklasang positibo sa COVID-19 base sa resulta ng kanyang rapid test.
Ayon kay Oreta, hindi nagsabi ng totoo ang ginang na ang tinitirhan niyang barangay ay naka-complete lockdown dahil sa mga kaso ng COVID-19 at may possibleng exposure siya sa virus.
Sabi ni Oreta, dahil dito ay inihahanda na ng City Legal ang posibleng paghahain ng kaso laban sa ginang para sa paglabag sa Section 9 of R.A. 11332.
Ayon kay Oreta, isasara muna ang buong 2nd floor ng OSMAL kung saan tigil operasyon ang OB-Gyne Clinics, Pedia, delivery and surgical operations.
Magsasagawa din ng disinfection, contact tracing at testing para sa mga posibleng nakahalubilo ng pasyente sa loob ng ospital.
Patuloy namang tatanggap ng adult cases (COVID and non-COVID related) ang OSMAL at mananatiling bukas ang laboratory at radiology section.
Inaasahan ang full operation ng ospital sa Lunes, May 25.
Apela ni Oreta sa lahat, maging honest o magsabi palagi ng katotohanan upang hindi malagay sa panganib ang maraming buhay at hindi na kumalat pa ang COVID-19.