Ilang opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian, nakatakdang pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte; PACC, suportado ang pagpapalabas ng SALN ng mga kongresita

Kinumpirma ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na may mga opisyal ng gobyerno ang inaasahang sasampahan ng kaso sa mga susunod na araw.

Ito ay kaugnay na rin ng pinaigting na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa korapsyon sa buong pamahalaan kung saan magiging new normal na sa pangulo ang paglalantad ng mga kurakot na opisyal.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PAC Comissioner Greco Belgica na may panibagong siyam na opisyal ng PhilHealth ang inirekomenda nilang makasuhan sa Ombudsman.


Ayon kay Belgica, bukod pa ito sa ibang ahensya ng pamahalaan na kanilang ini-imbestigahan katuwang ang mega task force na inaasahang papangalanan ng Pangulong Duterte sa mga susunod na araw.

Samantala, suportado naman ng PACC ang hamon para sa liderato ng Kamara na isapubliko na ang kanilang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco.

Giit ni Belgica, obligasyon ng mga kongresista na ipakita ang kanilang tunay na SALN upang malaman kung wala talagang itinatago.

Aniya, una ang transparency at accountability sa ipinangako ng mga kongresista sa mga botante nang sila ay nangangampanya.

Una nang isiniwalat ni Belgica na ilang mga kongresista na hindi nito pinangalanan ang umano’y sangkot sa korapsyon sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nabatid na simula noong 2019 ay hindi na naging madali ang paghingi ng kopya ng SALN ng mga kongresista dahil sa ilalim ng House Resolution 2467, bago magkaroon ng access sa SALN ay dapat makakuha muna ng final approval ng house plenary.

Facebook Comments