Ilang Opisyal ng Kapitolyo, Negatibo sa Anti-Body Rapid Testing

Cauayan City, Isabela- Nagnegatibo sa resulta ng isinagawang anti-body rapid test ang ilang kasama ni Isabela Governor Rodito Albano III matapos magpositibo sa corona virus ang isang Locally Stranded Individual mula sa Bayan ng San Mariano na kasama sa mga umuwi sa ilalim ng Balik-Probinsya Program ng pamahalaan.

Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, bagama’t negatibo ang resulta ay hihintayin pa ang resulta ng ginawang swab test sa gobernador na siyang nagkaroon ng exposure sa mga pasahero ng bus noong June 7.

Paglilinaw ni Binag, si Gov. Albano ay umakyat sa loob mismo ng bus upang tignan at kamustahin ang sitwasyon ng mga LSI subalit napanatili pa rin ang pagsunod sa health protocols gaya ng 1-meter distance.


Samantala, ipinag-utos na rin ang pagsasailalim sa rapid test sa mga empleyado ng kapitolyo na indirect contact para masigurong walang banta ng corona virus.

Kabilang sa mga sumundo sa mga LSI sina Povincial Social Welfare and Development Officer Lucy Ambatali at Executive Assistant Joe Esturcia.

Sa kabila nito, tuloy-tuloy pa rin ang pagsundo sa mga stranded individuals na naabutan ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.

Panawagan naman ng opisyal na ibayong pag-iingat pa rin ang kailangan at sumunod sa itinakdang health protocols.

Facebook Comments