Nagpaabot ng pakikiramay ang ilang opisyal, mapa-national man o lokal, sa pagpanaw ni Dating House Speaker Jose De Venecia Jr., kahapon, February 10, 2026.
Sa Facebook post ni kasalukuyang Senator Loren Legarda, inihayag nito na posibleng hindi siya magiging senador kung hindi dahil kay Manong Joe. Inalala rin niya ang malaking kontribusyon ng nasabing kongresista sa usaping pangkapayapaan.
Itinuturing namang guro ni Senator Migz Zubiri si dating Speaker Jose De Venecia, na humubog sa kanyang pagiging senador. Ani Zubiri, isa si De Venecia sa kanyang unang inidolo sa larangan ng pulitika.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan at nagbigay pugay sa katangiang panlider na ipinakita ni De Venecia. Gayundin, binigyang-pugay ni Pangasinan Third District Representative Rachel Arenas ang serbisyong inilaan ni De Venecia para sa buong bansa.
Sa lungsod ng Dagupan, iniutos sa pamamagitan ng Executive Order Number 2, Series of 2026 ang paglalagay ng watawat ng bansa sa half-mast bilang simbolo ng pagluluksa sa pagpanaw ng kongresista.
Inalala rin ngayong hapon ng House of Representatives and ambag ng nasabing opisyal at nag-alay ng dasal.
Inanunsyo ng Pamilya De Venecia ang pagpanaw ni Manong Joe kahapon ng tanghali sa edad na 89.
Si De Venecia ang natatanging five-time House Speaker ng Pilipinas na tubong Dagupan City, Pangasinan.










