Pumayag ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na pumirma ng waiver para pahintulutan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na silipin ang kanilang mga bank accounts.
Kasunod ito ng naging pagtatanong ni Deputy Speaker LRay Villafuerte sa mga opisyal ng PhilHealth na present sa pagdinig ng Kamara na kung walang itinatago na anomalya ay papayag ba sila na pumirma ng waiver para silipin ng AMLC ang kanilang mga bank deposits.
Lahat halos ng mga opisyal ng PhilHealth na present sa plenaryo at nasa Zoom hearing ay sumang-ayon na lumagda ng mga dokumento para ipasilip ang mga bank accounts maliban na lamang kay PhilHealth President and CEO Ricardo Morales na agad umalis sa hearing matapos sumama ang pakiramdam.
Kabilang naman sa mga miyembro ng PhilHealth na sumang-ayon ay sina Acting Senior Vice President for Actuarial Services & Risk Management Sector Nerissa Espinosa, Vice President Oscar Abadu, Area Vice President Walter Bacarezza, Corporate Secretary Atty. Jonathan Mangaoag, Vice President for Corporate Affairs Group Dr. Shirly Domingo, Vice President for Office of the Actuary Gilda Diaz, at Senior Vice President for Management Service Sector Dennis Mas.
Bukod sa mga opisyal na present sa pagdinig sa mga katiwalian sa PhilHealth ay sisikapin din na maisama sa papipirmahin ng waiver ang mga board members, executive committee at regional members.
Paglilinaw naman ni Villafuerte, hindi ito pang-haharass sa mga taga -PhilHealth kundi paraan para malaman ang katotohanan at maresolba ang isyung kinakaharap ng ahensya.