ILANG PAGLABAG SA BATAS-TRAPIKO, NAITALA SA LUNGSOD NG DAGUPAN; DISIPLINA SA KALSADA, MULING PINAALALA

Dalawang magkahiwalay na kaso ng paglabag sa batas-trapiko ang naitala ng Dagupan City Public Order and Safety Office (POSO) kamakailan, bilang bahagi ng kanilang regular na operasyon sa pagpapanatili ng kaayusan sa lansangan.

Kahapon, isang sasakyan ang na-ticketan sa M.H. del Pilar Street dahil sa paghinto sa pedestrian lane. Matatandaang nitong Linggo, Nobyembre 2, isang puting SUV naman ang nahuling nakaparada sa sidewalk sa Burgos Street.

Ayon sa POSO Dagupan, ang mga naturang paglabag ay patunay na patuloy ang pangangailangan ng disiplina sa kalsada at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko upang mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrian.

Pinaalalahanan ng POSO ang publiko na ang mga sidewalk at pedestrian lane ay nakalaan para sa mga naglalakad at hindi dapat okupahan ng mga sasakyan.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ng tanggapan na ang disiplina sa kalsada ay tungkulin ng bawat motorista at mamamayan upang matiyak ang ligtas at maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.

Hindi na isiniwalat ng mga awtoridad ang plate number ng mga sasakyan upang mapangalagaan ang pribadong impormasyon ng mga may-ari.

Facebook Comments