
Isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa mga sistema ng gobyerno para mapabilis at mapaganda ang serbisyo sa publiko.
Ayon sa pangulo, kailangan ng malalim na pag-aaral at pakikipagtulungan sa mga eksperto at research groups sa loob at labas ng bansa upang matukoy kung paano magiging epektibo at ligtas ang paggamit ng AI sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi dapat mapag-iwanan ang Pilipinas sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, kaya kailangang simulan na ang mga hakbang tungo sa AI integration.
Kasama ang AI technology sa mga itinampok na paksa sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa South Korea, kung saan tinalakay ng mga lider ang mga benepisyo at potensyal ng AI sa pagpapalago ng ekonomiya at pagpapabuti ng serbisyo sa mamamayan.
Layunin ng pangulo na gawing mas moderno, episyente, at makabago ang gobyerno sa tulong ng AI.









