Ilang panukala, inaasahang makakaresolba sa problema sa kawalan ng trabaho sa bansa ayon kay Sen. Villanueva

Malaki ang pagasa ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na mabibigyang solusyon ng mga panukalang batas na naipasa at ipapasa ng Senado ang suliranin sa muling pagtaas ng unemployment rate na naitala nitong January 2023.

Kabilang sa mga tinukoy ni Villanueva ang pagsang-ayon ng Senado sa ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na inaasahang makapagdudulot ng nasa 1.4 milyong trabaho para sa mga Pilipino pagdating ng taong 2031.

Makakatulong din aniya sa paglikha ng mga trabaho ang panukalang One Town, One Product (OTOP) Program na naipresenta na sa plenaryo ng Senado.


Layon ng OTOP Program Bill na maitaguyod ang iba’t ibang produktong lokal ng mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa buong Pilipinas at suportahan ang paglago ng mga ito.

Dinagdag din ng majority leader na target ding ma-endorso sa plenaryo ng Senado bago sila mag session break ngayong Marso ang panukalang National Employment Action Plan (NEAP).

Tinatayang makakalikha ng 1.7 milyong trabaho taon-taon ang panukalang ito.

Facebook Comments