Inilatag ni Deputy Minority leader at Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang mga kaparaanan para maibsan ang epekto ng mabilis na pagtaas ng inflation ngayong Oktubre sa 2.5%.
Pangunahin na isinusulong ni Zarate ay pagsuporta ng mga senador na tanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at sa halip ay gamitin ang budget ng ahensya na pantulong sa mga nasalanta ng mga bagyo.
Maaari rin aniyang gamitin ang pondo ng NTF-ELCAC lalo na sa mga nawalan ng trabaho ngayong pandemya.
Samantala, ilan pa sa mga isinusulong na maaaring magpababa sa inflation at sa epekto nito ang pag-repeal o pagpapawalang bisa sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law), at pagdedeklara ng moratorium sa penalties at interests sa pagbabayad ng utang at mga bayarin sa kuryente, tubig at iba pang utilities.
Giit ni Zarate, hindi man kalakihan ang mga rekomendasyon pero malaking tulong ito para makapagpagaan sa mabigat na pasanin ng mga kababayang apektado ng kalamidad at COVID-19 pandemic.