Nananatili pa rin sa tatlong district hospital sa lungsod ng Maynila ang ilang pasyenteng naapektuhan matapos masunog ang operating room-sterilization area ng Philippine General Hospital (PGH).
Sa inilabas na abiso ng Manila Public Information Office, nasa 12 pasyente ang nasa Sta. Ana Hospital habang dalawa ang nasa Ospital ng Maynila na katatapos lamang sumailalim sa operasyon.
Nasa apat na sanggol din ang dinala at kasaluluyang inaalagaan sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.
Sa katatapos naman na flag ceremony, tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno na aalagaan ng pamahalaang lungsod ang mga nasabing pasyente.
Mamayang ala-1:00 ng hapon ay bibisitahin ng alkalde ang PGH kasama si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar at Sec. Vince Dizon upang alamin ang dinulot na pinsala ng sunog na naganap noong madaling-araw ng Sabado.
Tiniyak din ng alkalde na tutulong ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa gagawing rehabilitation ng nasunog na ikatlong palapag ng operating room ng PGH.