Ilang pasyente ng ambulansya, ‘di na umaabot ng buhay sa ospital dahil sa traffic

Image from Reuters

Bukod sa mga motorista, empleyado, at estudyante, apektado din ng matinding trapiko ang buhay ng ilang pasiyenteng nasa ambulansiya.

Sa kasamaang palad, ang iba sa kanila hindi na umaabot ng buhay sa ospital sanhi ng usad-pagong na mga sasakyan.

Isa sa mga nakaranas ng kalbaryong ito ang ambulance driver na si Joseph Laylo.


Kuwento ni Laylo sa international news site na AFP, hindi na pinalad pang makarating ng pagamutan ang nirespondehang pasiyente noong 2017 matapos maipit sa mabigat na trapiko.

Aniya, may pag-asa pa sanang masagip ang buhay nito.

“Nasa 5.7 kilometro ‘yon. Wala pang limang minuto dapat nandun na kami pero inabot kami ng 15 minuto,” ani drayber ng ambulansya.

Ganito rin ang naranasan ng tsuper na si Adriel Aragon. Taong 2014 nang mamatayan siya ng pasyenteng ihahatid sa ospital dahil umabot ng halos isang oras ang kanilang biyahe.

“Kahit gaano kalakas kami bumusina, kahit gumamit kami ng sirena, walang silbi kung hindi umuusad ang mga sasakyan,” giit ni Aragon.

Ang babaeng lulan ng ambulansya, idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan.

Ayon kay Aldo Mayor, public safety chief ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), puwedeng sisisihin ang mga taong walang pakialam sa lansangan sa mga nakapanlulumong insidente.

“Some people simply do not care. It is as if they are the only residents of this world,” saad ng opisyal.

Hindi rin umano naipapatupad lalo na sa Metro Manila ang ordinansa tungkol sa mga emergency vehicles, kabilang ang 2017 regulation na dapat may isang linya sa kalsada para sa mga ambulansiya.

Facebook Comments