Mayroon ng persons of interest ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa nangyaring pananambang at pagpatay kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at limang iba pa sa Bagabag, Nueva Vizcaya noong Pebrero 9.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., ang mga natukoy na persons of arrest ng pulisya ay kasalukuyan nang kinukuhanan ng panayam at affidavit ng mga awtoridad.
Pero paglilinaw nito, hindi naman agad na itinuturing na suspek ang mga person of arrest bagkus ay kinakuhanan lamang sila ng salaysay para makatulong sa paghahanap sa mga suspek.
Maliban kay VM Alameda, patay rin sa ambush sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham Dela Cruz Ramos, John Duane Banag Almeda, at Ismael Nanay.
Ang mga biktima ay lulan ng Starex patungo sa Maynila nang tambangan sila ng mga armadong kalalakihan.
Nitong February 20, natagpuan ang ginamit na getaway vehicle na sunog sa Solano Town.
Tukoy na rin ng PNP ang may-ari ng naturang getaway vehicle pero inaalam pa ng mga awtoridad ang history ng sasakyan o kung sino pa ang naging previous owner nito.