Ilang Pinoy na lumikas mula Ukraine, nakikipagsapalaran sa Germany at Hungary

Kinumpirma ng Filipino community sa Ukraine na may ilang Pilipinong lumikas sa mga karatig na bansa sa Europe ang nakikipagsapalaran ngayon sa Germany at Hungary.

Ilan kasi sa kanila ay natatakot na umuwi ng Pilipinas dahil sa wala silang mapapasukang trabaho lalo na’t hindi pa tapos ang pandemya.

Ilan din sa mga natitirang Pinoy sa Ukraine ang tumatangging sumailalim sa mandatory repatriation ng Philippine government.


Partikular ang mga Pinoy na nakapag-asawa ng Ukrainanian at hindi nila kayang iiwan ang kanilang pamilya roon.

Anila, gagawin na lamang nila ang ibayong pag-iingat tulad ng pagtatago sa basement ng kanilang mga bahay.

Sa kabila rin ito ng unti-unti nang pagkaka-ubos ng mga gamot at pagkain sa Ukraine.

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sa ngayon, 199 na mga Pinoy na ang nailikas mula sa Ukraine.

63 sa kanila ang umuwi ng Pilipinas habang 73 ang nasa Romania at ang iba ay nasa Poland, Moldova, Austria at Hungary.

Facebook Comments