Dapat munang patunayan ng mga nagsusulong sa “economic” Charter Change (Cha-cha) na nasa Saligang Batas ang problema kung kaya’t maraming foreign investors ang nagdadalawang-isip na mamuhunan sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta na duda siya na pangunahing problema ng mga investor ang restrictive economic provisions sa Konstitusyon.
Aniya, wala pa siyang nakakausap ng malalaking potential investors na nagsasabing nais nilang susugan ang nasabing probisyon.
Sa halip na amyendahan ang Saligang Batas, mas mainam aniya kung titingnan muna ang ibang posibleng dahilan ng pangungulelat ng ekonomiya ng bansa gaya ng problema sa traffic, mataas na singil sa kuryente, mahinang judiciary system, bureaucratic red tape at insurgency.
“Parang hindi pa ko naniniwala masyado na ito talaga ang ultimong kailangan natin. Sabi ko, ang pine-present ninyo kulelat tayo sa foreign trade investment. Eh, maaaring tayo’y kulelat pero maraming factors, baka naman hindi kako ‘yong Saligang Batas ‘yong problema baka ‘yong traffic. Pwede ba niyong i-prove muna iyon?” ani Marcoleta.
Naniniwala naman si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na “wrong timing” ang pag-amyenda sa Konstitusyon dahil lugmok pa rin ang bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic at iba pang mga krisis.
Duda rin siya na tanging economic provisions lamang ang irerebisa dahil hindi aniya malabong maisingit ang political amendments sa deliberasyon ng Cha-Cha sa Kongreso.
Para naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Jonathan Malaya, makatutulong ang pagpapaluwag sa economic provisions para mapatakbo ang ekonomiya at makatawid ang bansa sa pagkalugmok sa pandemya.
Una rito, iniulat ng DILG na nakalikom sila ng mahigit kalahating milyong pirma at lgu resolutions na sumusuporta sa economic Cha-Cha.