Ilang public schools, maaaring gamitin bilang COVID-19 isolation facilities

Nagbigay ng basbas ang Department of Education (DepEd) na gamitin ang ilang school facilities para sa isolation ng mga individual na mayroong COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pumayag si Education Secretary Leonor Briones na i-convert ang ilang pampublikong eskwelahan para madagdagan ang isolation facilities na itinatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Bahagi aniya ito ng pagpapaigting ng testing, tracing, isolation at treatment efforts.


Binigyang diin ni Roque na magiging agresibo ang pamahalaan sa test, trace at pag-isolate sa mga taong tinamaan ng virus.

Inaasahan ding mas marami pang isolation centers ang itatayo habang marami pang hotel rooms ang maaaring gamitin bilang isolation units.

Nabatid na isinusulong ng pamahalaan sa darating na pasukan sa August 24 ang blended learning methods kabilang online learning, modular learning, maging ang TV at Radio-based broadcast.

Facebook Comments