Ilang quarantine control points sa Metro Manila, ininspeksyon ni PNP Chief Eleazar

Naglibot ngayong umaga si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar sa ilang Quarantine Control Points (QCP) sa Metro Manila.

Ito’y para masiguro kung maayos na naipapatupad ang mga alituntunin sa unang araw ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).

Kabilang sa mga pinuntahan ng PNP chief ang QCP sa NLEX Harbor Link Karuhatan Exit; Bagong Barrio EDSA sa boundary ng Caloocan at QC; Rizal Avenue Extension cor. 2nd Ave. sa boundary ng Caloocan City at Manila; R10 road sa boundary ng Navotas at Manila; Parañaque Coastal CAVITEX; at sa PICC.


Ilan sa partikular na ininspeksyon ni Eleazar ay ang mga public transportation kung sinusunod ang 50 percent capacity at inaalam kung ang mga sakay ng mga ito ay mga frontliner.

Sinabi ni PNP chief na 1,203 PNP personnel ang naka-deploy para sa law enforcement at public safety operations sa 89 na QCP sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Habang 4,346 pulis naman ang naka-assign sa Mobile Control Points (MCP) sa Metro Manila para sa pagpapatupad ng uniform curfew hours.

Ang aksyong ito ng PNP ay batay sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na higpitan ang mga border control upang mapigilan ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19.

Facebook Comments