Ilang rekomendasyon ng economic team, aprubado ni Pangulong Duterte

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang rekomendasyon ng economic team ng bansa at Department of Agriculture (DA) para sa pagpapalakas ng domestic economy at local food production ng bansa, bilang hakbang sakaling magkaroon ng epekto sa food stability ng Pilipinas ang Ukraine-Russia conflict.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, kabilang dito ang implementasyon ng Plant, Plant, Plant part II, pagpapataas ng rice buffer stock ng bansa na hindi bababa sa 30 araw, pamamahagi ng financial assistance sa rice farmers at pagbibigay ng fertilizer subsidy.

Inaprubahan din ng pangulo ang pamamahagi ng fuel discount vouchers sa mga magsasaka at mangingisda, pagbibigay ng logistical support tulad ng food mobilization mula sa mga lalawigan na mataas ang produksyon patungo sa mga siyudad sa pamamagitan ng Kadiwa mobile vans.


Kung kinakailangan, nakahanda rin aniya ang pamahalaan na isakatuparan ang implementasyon ng Price Control Law.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga kabalikat nito at pinagiigting din ang mga negosasyon sa non-traditional partners upang matugunan ang mga banta sa agricultural exports, kasabay ng pagpapalakas ng digital agricultural infrastructure and system ng bansa.

Facebook Comments