Bubuksan na sa susunod na taon ang ilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) Connector Project.
Ang NLEX Connector ay isang walong kilometrong elevated expressway na may apat na lanes mula C3 Road Caloocan Interchange hanggang Manila na babagtasin hanggang Blumentritt at España hanggang sa PUP, Sta. Mesa.
Ayon kay Senator Mark Villar, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary, sa unang quarter ng taong 2023 ay may ilang sections na ng NLEX Connector ang bubuksan sa mga motorista.
Kumpyansa ang senador na mapaluluwag at mapagagaan ang trapiko sa Metro Manila sa susunod na taon na malaking tulong sa mga kababayan.
Ikinalugod ng senador na ipinagpatuloy ng Marcos administration ang Build, Build, Build project noong nakaraang administrasyon kung saan siya ang kalihim ng DPWH.
Bunsod nito ay nagpahayag ng suporta si Villar sa iba pang infrastructure drive ng kasalukuyang pamahalaan na Build Better More Program.