Inaasahan ngayon ni Senate President Tito Sotto III na agad maaaprubahan ng Kamara sa third and final reading ang panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.
Paliwanag ni Sotto, kapag naaprubahan na ang budget ay kailangan itong maiprenta at maipadala agad sa Senado para maipasa ito sa takdang panahon at maiwasan ang reenacted budget sa susunod na taon.
Si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri naman at Senator Sherwin Gatchalian ay nagpahayag ng pagbati sa bagong House Speaker na si Marinduque Representative Lord Allan Velasco.
Nagbiro pa si Zubiri ng “the lord be with us” habang ipinagmalaki naman ni Gatchalian na kaibigan niya si Velasco at counterpart bilang chairman ng Committee on Energy.
Ikinwento naman ni Senator Christopher Bong Go na parang ama na kinausap ni Pangulong Rodrigo Duterte kanina sa Malacañang sina Velasco at Rep. Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Go, pinayuhan sila ng Pangulo na magkaisa at ipasa on time ang budget para sa sambayang Pilipino.
Samantala para naman kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto ay maikli pero kahanga-hanga o spectacular ang naging pamumuno ni Cayetano bilang House Speaker lalo’t naipasa nito ang lahat ng panukala na hiniling ng Malacañang.
Sabi ni Recto, ang nangyari sa Kamara ay isa lang break sa matagal nang political career ni Cayetano pero tiyak na hindi ito aalis o mawawala bilang nangungunang tinig sa political arena.