Mahigit 100 miyembro ng PNP SAF, mananatili sa Batasang Pambansa hanggang matapos ang pagdinig sa 2021 national budget

120

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Camilo Cascolan na mananatili sa Batasang Pambansa sa Quezon City ang 140 mga miyembro ng PNP Special Action Force.

Aniya, ang presensya ng SAF sa lugar ay upang mapanatili ang peace and order habang tinatalakay ng mga mambabatas ang 2021 national budget.

Ang mga miyembro ng SAF ay idineploy sa Batasang Pambansa kahapon matapos na magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session para pag-usapan ang national budget.

Ayon naman kay SAF Director Maj. Gen. Bernabe Balba, augmentation force lang ang PNP SAF sa Quezon City Police District na silang nakakasakop sa area.

Giit ni Balba, bahagi ng kanilang regular function ang pagtatalaga ng mga pulis sa mga vital government installations.

Sa katunayan, hindi raw naka-full battle gear ang mga miyembro ng SAF na nakatalaga ngayon sa Batasang Pambansa.

Sinabi naman ni Lt. Col. Romulos Gadaoni, Batasan Police Station 6 Commander, na mapayapa ang sitwasyon sa Batasang Pambansa kahit pa sa panahon ng pagpili kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang bagong Speaker of the House of Representatives.




Aniya, mayroong mga cause oriented groups ang nagsagawa ng rally pero umalis din matapos ang kanilang maikling programa.

Sumunod din daw ang mga raliyista sa itinakdang health at safety protocols.

Facebook Comments