Hindi lumagda sina Senators Juan Miguel Zubiri, Sherwin “Win” Gatchalian at Imee Marcos sa draft report na inilabas ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon ukol sa Pharmally controversy.
Ayon kay Zubiri, hindi siya lumagda dahil isinama si Pangulong Rodrigo Duterte mga inirekomendang sampahan ng plunder o pandarambong.
Giit ni Zubiri, walang anumang ebidensya na lumitaw sa 18 pagdinig ng Senado na direktang nagsasangkot kay Pangulong Duterte sa umano’y maanomalyang transaksyon ng pamahalaan sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Hindi sapat para kina Zubiri at Gatchalian na pakasuhan si Pangulong Duterte dahil lang sa konektado sa kaniya ang ilang sangkot sa kontrobersya.
Ikinagulat din ito ni Senator Imee Marcos dahil wala naman silang natalakay sa pagdinig at walang lumitaw na ebidensya ukol sa umano’y pagtataksil ni Pangulong Duterte sa tiwala ng bayan.
Ayon kay Marcos, masiyadong maraming konklusyon sa draft report na hindi naman suportado ng mga nakalap nilang ebidensya.