Manila, Philippines – Galit ang ilang Senador sa naging desisyon ng Department of Justice na pag-downgrade sa murder case ng 19 na pulis na sangkot sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Matatandaang nakalaya na si Supt. Marvin Marcos at 18 iba pang pulis makaraang makapagpiyansa.
Ito’y matapos na pagbigyan ng Baybay Regional Trial Court ang mosyon ng DOJ na pababain ang kaso ng mga ito mula murder sa homicide dahil sa umano’y kawalan ng evident premeditation.
Ayon kay Senador Richard Gordon, dismayado siya sa naging aksyon ng DOJ at iginiit na hindi dapat nangielam si Pangulong Duterte sa nasabing usapin.
Para naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, malaking banta sa justice system ng bansa ang pagpapababa sa kaso nina Supt. Marcos na aniya’y nakapagpapahina sa otoridad ng gobyernong disiplinahin ang pang-aabuso ng mga pulis.
Kaugnay nito, anumang araw ngayong linggo ay maghahain si Senadora Riza Hontiveros ng resolusyon para ipatawag sa senado si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre.
Aniya, dapat na magpaliwanag si Aguirre sa tila paglalaro nito sa justice system ng bansa.