Walang balak ang ilang senador na kaalyado ng administrasyon na makiisa sa plano nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Panfilo Lacson at Senate Minority Leader Franklin Drilon na pagdulog sa Supreme Court.
Ito ay para igiit na dapat dumaan muna sa Senado ang pag-terminate sa Visiting Forces Agreement o VFA at sa iba pang kasunduan o tratado na pinasok ng bansa.
Para kay Senator Imee Marcos, mainam na irespeto na lang ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuldukan na ang VFA tutal ito naman ang nagdedesisyon sa foreign policy ng bansa.
Paliwanag naman ni Senator Koko Pimentel, hindi pa niya nababasa ang petisyon na dapat aniya ay may legal na basehan at nakabatay sa Konstitusyon.
Naniniwala naman si Senator Ronald Bato Dela Rosa na nasa kamay ng Pangulo ang kapangyarihan para magpawalang saysay sa isang tratado kayat hindi na kailangang aprubahan pa ng Senado.
Sabi naman ni Senator Christopher Bong Go, karapatan ng mga kasamahang senador na isulong ang paninindigan nila ukol sa VFA termination pero mas matimbang ang buong suporta niya sa hakbang ni Pangulong Duterte.
Tiniyak din ni Go na nananatiling maayos ang pamumuno ni Sotto sa Senado at walang may intensyon na ito ay palitan.