Ilang senador, hinimok ang gobyerno at mga NGOs na magtulungan at madaliin ang pag-aksyon para maagapan ang tuluyang pagkasira ng Mindoro

Pinamamadali ni Senator Nancy Binay ang gobyerno at iba pang kaukulang sektor sa pag-aksyon upang maagapan ang tuluyang pagkasira ng Oriental Mindoro at iba pang kalapit na lalawigan dahil sa oil spill ng lumubog na MT Princess Empress.

Unang sinabi ng Department of Tourism (DOT) na posibleng maapektuhan ng tumagas na langis mula sa lumubog na barko ang 61 tourist sites, kung saan nangangahulugan ito ng pagkasira ng kalikasan at pagbagsak ng turismo sa lugar.

Iginiit ni Binay na oras ang pinakamahalaga ngayon para maagapan ang tuluyang pagkasira ng lugar.


Aniya pa, kailangan na ng collective action o sama-samang pagtugon mula sa pamahalaan at non-government groups para mapigilan na huwag nang lumala pa ang sitwasyon lalo na’t ilang libong pamilya at kabuhayan na rin ang apektado ng trahedya.

Nanghihinayang si Binay dahil ang Mindoro na itinuturing na ‘summer alternative’ ng Boracay ay unti-unti ngayong nasisira dahil sa oil spill.

Nalulungkot ang mambabatas na marami sa mga kababayan ang nagkansela na ng kanilang mga bookings sa Mindoro ngayong Holy Week at dahil sa insidenteng ito ay panibagong dagok na naman ito sa mga tourism workers na kababangon pa lamang mula sa pandemya.

Lubha na rin aniyang nakakaalarma ang lumalawak na impact ng tumagas na langis kasabay ng babala ng senadora na kung walang gagawing organisadong hakbang sa problema ay hindi malabong umabot ang oil spill sa Batangas at Palawan.

Facebook Comments