Nagbabala si Senator Jinggoy Estrada na “unconstitutional” o labag sa saligang batas kung ipipilit ng Kamara na mag-joint session at magbotohan jointly para sa isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Kasabay nito ang pagtiyak ni Estrada na hindi kailanman kakagat sa patibong ng Kamara ang Senado sakaling magpatawag para mag-convene bilang Constituent Assembly at sabihin na magbobotohan nang hiwalay.
Sa Resolution of Both Houses No. 7 kasi ng Kamara ay voting jointly para sa economic charter change ang nakasaad na siya namang taliwas sa voting separately ng Resolution of Both Houses No. 6 ng Senado.
Nababahala rin si Estrada na posibleng trap o patibong lamang o maaaring hindi naman, sakaling hilingin ng Kamara ang joint session para sa Cha-Cha.
Kailangan muna aniyang magpakita ng patunay na voting separately na rin ang isinusulong ng Kamara dahil kung ito ay jointly pa rin ay tiyak na kakainin sila ng buhay ng mga kongresista.
Tiwala ang senador na kahit umakyat pa sa Korte Suprema ang usaping ito ay magiging ruling pa rin ang hiwalay na botohan ng Senado at Kamara dahil sa umiiral na bicameral form ng gobyerno.