Ilang senador, ikinalugod ang pagpapaliban sa jeepney phaseout

Ikinalugod ni Senator Christopher “Bong” Go ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban hanggang sa December 31 ang dapat sana’y jeepney phaseout sa June 30.

Nagpasalamat si Go sa LTFRB sa pakikinig sa hinaing ng mga drivers at commuters na maapektuhan ng nagbabadyang tigil-pasada sa susunod na linggo.

Ikinatuwa ng senador na agad binigyang pansin at agarang aksyon ng LTFRB ang problema sa jeepney phaseout alinsunod sa PUV Modernization Program dahil siguradong maraming kababayan ang maaapektuhan nito.


Nilinaw naman ni Go na hindi siya kontra sa PUV modernization lalo na sa pangmatagalan at magandang benepisyo na maibibigay nito para sa bansa, pero iginiit ng mambabatas na hindi dapat ito maging dahilan para pabigatan ang ating mga mahihirap na kababayan.

Hiniling ng senador sa gobyerno na dapat palaging uunahin ang kapakanan at interes ng mga mahihirap sa mga programang isusulong ng mga ahensya.

Umapela si Go sa LTFRB na bigyan ng sapat na panahon ang mga apektadong sektor bago ipatupad ang programa at gamitin ang pagkakataon na ito para ayusin ang mga patakaran, proseso at polisiya para hindi maging pabigat ang programa sa mga ordinaryong mamamayan.

Facebook Comments