Ilang senador, ilalaban ang confidential funds ng DICT

Ilalaban ng ilang mga senador na maibalik ang P300 million confidential funds ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na unang inalis ng Kamara sa 2024 national budget.

Naniniwala si Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na dapat may pondo para sa paglaban sa cyber security threats ito man ay sa ilalim ng confidential funds o sa maintenance and other operating expenses (MOOE).

Pag-aaralan aniya ng komite ang usapin sa pagbibigay ng pondo para labanan ang cyberattacks dahil posibleng ‘outdated’ ang naging batayan sa pagtanggal ng confidential funds ng DICT.


Tinukoy ni Angara na ang bagong uri o porma ng warfare sa ngayon ay sa pamamagitan na ng ‘push button’ sa computers at hindi tulad noon na may giyera at barilan.

Iginiit naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ilalaban niya ang confidential funds ng DICT dahil matapos ang ilang oras na executive session sa ahensya ay kumbinsido siyang kailangang mapalakas ang cybersecurity measures ng pamahalaan dahil laganap ang cybercrimes sa bansa.

Sinabi naman ni Senator JV Ejercito na itutulak din niya sa mataas na kapulungan CIF ng DICT para labanan ang cybercrime dahil ito ay banta rin sa national security na bumibiktima sa libo-libo nating mga kababayan at ang cybercrime ang bagong kalaban ng lipunan.

Facebook Comments