Iginiit nina Senate President Tito Sotto III at Senator Panfilo “Ping” Lacson na ilabas at isumite ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang umano’y hawak na documentary evidence hinggil sa kaugnayan ng mga progresibong party-list group sa Communist Party of the Philippine-New Peoples Army (CPP-NPA).
Ayon kay Lacson, makakatulong ito sa kanilang mga paratang sa mga militante at ilang celebrity.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi nina DILG Secretary Eduardo Año, National Security Adviser Hermogenes Esperon, ilang miyembro ng NICA at ng ilang opisyal ng militar na front at affiliated organization ng CPP-NPA ang ilang party-list group at mga kinatawan nito partikular ang mga bumubuo sa Makabayan Bloc sa Kamara.
Ilan sa mga ito ay ang Bayan Muna, Gabriela, Kabataan at Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Isa naman sa nagpakilalang dating miyembro ng NPA na hawak ng NICA ang nakakuha ng central documents order ng CPP hinggil sa mga front na party-list group.
Sinabi ni Lacson na hinihingi nila ang dokumento hindi dahil sa nagdududa sila kundi para malaman ang ebidensiya o pruweba ang mga paratang laban sa mga partylist group at mga representative nito dahil sa ngayon, tanging salita lamang ang kanilang pinanghahawakan.