Ilang senador, kumbinsidong si Pacquiao dapat ang nanalalo laban kay Jeff Horn

Manila, Philippines – Binatikos nina Senators Tito Sotto III, Richard Gordon, Antonio Trillanes IV, Win Gatchalian, at JV Ejercito ang desisyon ng mga hurado na nagdideklara kay Jeff Horn na panalo laban kay Senator Manny Pacquiao.

Masama ang loob ni Senator Sotto dahil tila ninakawan ng tagumpay si Pacquiao at hindi rin ibinawas sa iskor ni Horn ang mga ginawa nitong head-butts, pagsiko at pagipit sa leeg ni Pacman.

Tinukoy pa ni Sotto ang pahayag ng Entertainment and Sports Programming Networks o ESPN na si Pacquiao ang nagwagi dahil malaki ang lamang ng mga suntok na pinakawalan nito at tumama kay Horn.


Diin naman ni Senator Gordon, unanimous ang desisyon ng buong mundo na si Pacquiao ang nagwagi.

Hindi aniya tagumpay, kundi kahihiyan ang inani ni Horn, pati ng referee at ng mga judges na nagluto sa pagkatalo ni Pacquiao.

Naniniwala si Senator Gordon na na-set up si Pacquiao para pagkakitaan lang.

Maging si Senator Trillanes ay kumbinsido sa obserbasyon ng nakararami na ninanakawan ng tagumpay si Pacquiao.

Hindi naman maunawaan ni Senator Gatchalian, kung bakit si Horn ang idineklarang panalo gayong puro headlock ang ginawa nito at malinaw na si Senator Manny nagwagi.

Para naman kay Senator Ejercito, napakalabo ng unanimous desisyon ng tatlong judges na pumapabor kay Horn.

Facebook Comments