Manila, Philippines – Para kina Senators Joel Villanueva, Win Gatchalian, Kiko Pangilinan at Bam Aquino – isang kaparusahan sa publiko ang suspensyon na ipinataw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa Uber.
Umaasa si Senator Villanueva na magkakabuo ng amicable resolution ang LTFRB at Uber.
Para naman kay Senator Gatchalian, ura-urada at hindi napapanahon ang pagsuspendi ng LTFRB sa operasyon ng Uber dahil walang mababalingan na maayos na public transportation system ang mga pasahero sa Metro Manila.
Iginiit pa ni Gatchalian sa LTFRB na iproseso na muli ang application para sa Transport Network Vehicle Services o TNVS tulad ng Grab, Uber at kaparehong serbisyo.
Katwiran naman ni Liberal Party o LP president Senator Francis Kiko Pangilinan, hindi dapat hadlangan ng LTFRB ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya na magkakaloob ng mas ligtas, maaasahan at komportableng transportasyon sa mamamayang Pilipino.
Mungkahi naman ni Senator Aquino sa LTFRB, sa halip na suspendihin ang operasyon ay pagmultahin na lang ang Uber para sa mga kasalanan nito nang hindi maperwisyo ang publiko.
Bukas ay inaasahan ang pagharap ng mga opisyal ng LTFRB kay committee on public services chairperson Senator Grace Poe upang ipaliwanag ang kanilang aksyon laban sa Uber.